Si Rigor at Jeng ay isang taon nang mag-asawa at wala pa silang anak. Si Rigor ay 27 taong gulang na Hepe ng isang grupo ng mga pamatay-sunog, si Jeng naman, 26; ay isang medical representative.
Mahal na mahal nila ang isa’t isa noong una, ngunit di naglaon, napuna ni Rigor ang pagbabago ng pakikitungo ni Jeng sa kanya, kwento niya lagi sa kaibigan niyang si Chuck, kesyo si Jeng daw, ‘di na siya nirerespeto sa bahay at ‘di na daw siya inaatupag, tuwing uuwi daw sila sa bahay ay laging parang naiinis daw lagi ito sa kanya tuwing magkikita sila. Kwento naman ni Jeng sa mga nurse sa ospital e itong si Rigor ay tumaas na ang bilib sa sarili at hindi na siya ang dating Rigor na nakilala, lumaki na daw ang ulo at ang gusto na lang ang laging gustong masunod, sa pananalapi, sa bahay at sa mga gamit na binibili.
Isang hapon, ‘di na nakatiis ang dalawa at tuluyan na nagsalpukan ang maiinit nilang makina, si Jeng, di naiwasang sumbatan si Rigor tungkol sa bagong biling Laptop imbes na tinulong na lang sa ina niyang may karamdaman. Si Rigor naman, tuluyan nang isinumbat na may karapatan siya sa lahat dahil siya ang mas malaki ang kinikita. Pareho nilang binulalas sa pagmumukha ng isa’t-isa na sawang-sawa na sila at sukang-suka!
Ilang linggong tila naging sementeryo ang buong bahay ng mag-asawa. Hindi nagkikibuan, hiwalay ang tinutulugan, at ang almusal at hapunan ay tila naging pribado na rin. Wala nang buhay ang bahay na binili nila para bumuo ng sarili nilang buhay.
Dumating na sa punto na nagdesisyon si Rigor na ipa-annul ang kanilang kasal, ganun din naman si Jeng, ipinapaayos na nga niya sa kaibigang Lawyer ang mga papeles. Si Rigor, bago umaksyon, bumista muna sa kanyang mga magulang sa Ilo-ilo. Kinausap niya ng sarilinan ang kanyang Tatay. Desidido na si Rigor na pagbalik niya sa Maynila, hihiwalayan niya na ng tuluyan si Jeng.
Hindi sang-ayon ang Tatay ni Rigor sa pasyang pakikipaghiwalay, sa halip, humingi ito ng pabor sa kanya… apatnapung araw… humingi ito ng palugit na 40 days para pag-isipang mabuti ang gagawing desisyon. Ayaw sana ni Rigor, ngunit dahil bilib ito sa Ama niya, sinubukan niyang gawin.
Dalawang araw pagbalik ni Rigor sa Manila, dumating ang isang package sa kanya, isang notebook galing sa Ama. Doon nakasulat ang mga bagay-bagay na gagawin niya sa susunod na 40 days para matiyak kung tama o mali ang iniisip na hakbang na pakikipaghiwalay.
Day 1 - Huwag sasagot agad-agad sa asawa at iwasang mag-init ang ulo. Noong araw na iyon, dahil sinunod ni Rigor ang sinulat ng Ama, naiwasan nilang magtalo nung magkita sila sa bahay matapos ang Opisina.
Day 2 – Batiin ng magandang umaga ang asawa at alayan ng ngiti. Sinunod naman ni Rigor, ngunit di siya pinansin ni Jeng sabay alis ng bahay papuntang opisina.
Day 3 – Maghanda ng agahan para sa minamahal. Maagang nagising si Rigor para ihanda ang kanilang almusal ngunit umalis ng hindi nag-aalmusal si Jeng. Tinapon nalang ni Rigor ang kape at binaon ang tinapay.
Day 4 – Tawagan ang asawa sa trabaho at kamustahin. Kinausap ni Rigor si Jeng sa cellphone, ngunit sa kaguluhan ng isip, tinarayan lang ni Jeng si Rigor, di natin alam kung nagpapakipot o totoong may galit pa rin siya sa asawa.
Nung araw ding ‘yon, tinawag ni Jeng ang mga kaibigang Nurse para humingi ng advice. Nasabi ng mga kaibigan na ang mga ginagawa ni Rigor ay mga senyales ng isang asawang gusto ng makipag-hiwalay. Naglalambing-lambing muna daw ang mga lalaki, bago ka hainan ng papeles ng annulment.

Si Rigor naman, kinausap na ang Ama para sabihin na hindi niya na kayang maghintay pero nakiusap muli ang Ama na tapusin niya ang 40 days na palugit.
Kinagabihan, di umuwi agad si Rigor at nanatili sa Fire Station kasama ang kanyang 2nd officer na si Chuck. Doon binahagi ni Chuck kay Rigor ang karanasan niya sa kanyang sariling buhay may-asawa at pinayuhan si Rigor na wag nang hintayin na humantong sa paghihiwalay sa halip ay hanapin ang daan pabalik sa kanilang magandang pagsasama. Inihalintulad niya sa mangga at bagoong ang pag-aasawa na hindi magiging singsarap kung titikman ng magkahiwalay.

Dumaan pa ang mga araw, si Rigor, buong sighay ang na sinunod ang mga payo ng Ama, nag-iwan ng mumurahing bulaklak na may kasamang mumurahing tsokolate, nagiwan siya ng mga love notes pero nanatiling bato ang puso nitong si Jeng.
Nung Day 20, matapos mag-iwan ni Rigor ng 2 dosenang pulang rosas at mamahaling tsokolate…

…natagpuan ni Rigor ang papeles ng annulment sa tabi ng mga Rosas at Tsokolateng kanyang iniwan. Galit na umalis si Rigor at tumawag sa kanyang Ama. Hindi na nais ni Rigor na ipagpatuloy ang animo’y kalokohan na mga payo ng Ama. Nagpasyang magkita ang mag-ama sa isang Simbahan. Sa pagkakataong iyon ay ipinakilala ng kanyang Tatay ang pagmamahal na nasumpungan nito na puro at walang katulad. Ito ay ang pag-ibig na walang kapantay. Pag-ibig na maaaring maghatid sa isang tao na mahalin ang isang taong hindi na kaibig-ibig… ang pagmamahal ng Diyos Ama. Kung matututunan lamang ni Rigor ang pag-ibig ng Diyos ay walang dudang kaya niyang umibig pa sa mga taong pinagdamutan niya na ng pagmamahal.
Sabi ng kanyang guni-guni… Hindi gyera ang pag-ibig, pero kelangang ipaglaban.

Di tumigil si Rigor sa pagpapakita ng pag-asa sa pagmamahal na na gustong mabatid niya mula sa asawa. Hindi siya tumigil kahit gaano kasakit. Hindi tumigil ang puso ni Rigor kahit pagod na ito sa kakatibok.
Patuloy na nanuyo si Rigor sa kanyang asawang si Jeng, patuloy pa rin si Jeng sa pagtangging mahal pa rin siya ng asawa, hindi pa rin siya makapaniwala sa mga asal na pinapakita ni Rigor sa kanya, ang akala niyang pamamaraan ito ni Rigor para tuluyang makipaghiwalay ay hindi parin nagbago. Nagmatigas si Jeng.
Isang araw, hindi pumasok si Jeng dahil may dinadamdam ito. Napuna ni Rigor na ang bag ni Jeng na pampasok ay nasa ibabaw pa rin ng sofa kaya sinilip niya ito sa kabilang kwarto. Nandun si Jeng. Kinamusta niya si Jeng habang bahagyang nakabukas ang pinto at nakasilip. Hindi kumibo si Jeng kaya tuluyan nang pumasok si Rigor, kinamusta ulit si Jeng, sa paglingon niya, kita ang mga matang ginulungan ng mga luha. Lumabas si Rigor at pagbalik ay may dala nang bimpo na may maligamgam na tubig sabay pahid sa noo ni Jeng. Damang-dama ni Jeng nung mga panahon na iyon ang pag-aaruga ni Rigor na matagal niya nang hindi nararanasan. Bumaling si Jeng sa kaliwang bahagi ng kanyang kama at kinuha ang isang notebook.

Alam na ni Jeng ang lahat. Inamin ni Rigor na pilit niyang sinunod ang mga nakatala sa notebook ngunit tila bigo siyang patunayan na muling nabuhay ang pagmamahal niya kay Jeng, at kaya pala hindi niya kayang ibalik ito sa puso niya ay dahil hindi naman talaga ito umalis… nanatili pala ito at naghintay lamang na muling gisingin…
Tinanong ni Jeng kung ilang araw na ang nakalipas mula nung umpisahan niyang sundin ang mga nakasulat sa notebook. Tugon ni Rigor, 43 days na mula noon. Nagtanong muli si Jeng kung bakit kahit tapos na ang 40 days na palugit ay hindi pa rin humihinto si Rigor sa pag-aaruga. Ang nasabi na lamang ni Rigor, “Kahit umabot pa sa katapusan, bibigyan kita ng panahon mo para magdesisyon kung mamahalin mo pa ako, hihintayin ko kahit hindi ko na malaman, basta sana, masumpungan ulit tayo ng pag-ibig.”
Sadyang hindi ko nilagyan ng wakas. Kung kayo ang tatapos ng kwento, ano ang magiging ending?
Komentaryo