Uulan-ulan nanaman

Pasukan nanaman. noong Lunes, kitang-kita ko ang magkakahalong ngiti at simangot sa mukha ng mga estudyanteng nasa labasan. Mga batang may mga bagong bag, mga magbabakarda sa high school na noon lang ulit nagkita at mga nanay na abala kasama ng mga paslit na first time maging mga estudyante. 

Para sa akin, dahil ako ay isa nang empleyado, di ko maiwasang mailayo ang pansin sa mga estudyante at maitapon ang panahon sa pagbabago ng panahon. Uulan-ulan nanaman kasi. Pagkatapos ng tila walang katapusang init ng panahon, tila hindi na titila ang ulan. Masarap matulog kaya kahit maghapon, nasa kama ako at walang malay sa nangyayari sa paligid. Wala akong pakialam dahil ngayon lang ako nakatulog ng ganito kahimbing. Ayaw ko pa nga sanang bumangon para pumasok. 

Nakakatuwa din kapag tag-ulan na, malamig at masarap ang hangin, masarap matulog, masarap humigop ng sabaw at masarap sumilip sa bintana. Ang hindi lang nakakatuwa e ang magdala ng payong at mabasa ang pantalon at sapatos dahil sa tilamsik ng tubig mula sa konkretong kalsada kapag pumapasok sa opisina. Pagdating mo sa opisina, para kang basang kalabaw, hindi ko sinabing basang sisiw kasi hindi naman ako mukhanng sisiw, mas mukha akong kalabaw.

 Madami akong naaalala pag tag-ulan. Yun lola ko na lagi kong katabi sa may bintana pag pinapanood namin yun ulan na bumabagsak sa mga bubong ng kapitbahay. Yun tatay ko na laging gamit yun plastic envelope na panakip sa ulo kapag inaabutan ng ulan galling opisina. Yung nanay ko na lagi akong minamadali na kunin ang mga sinampay kapag umaambon na at higit sa lahat, yung girlfriend ko, na asawa ko na ngayon; na lagi kong kausap noon sa telepono kapag umuulan.

 Naaalala ko rin nung estudyante pa ako, papasok ako ng umuulan, masarap lumakad sa kalye, siguro nakangiti din ako nung mga panahon na yun? Papasok ako ng maayos ang lahat pero pag-uwi ko galing school, para akong basang sisiw, basang-basa mula ulo hanggang paa. Ang aking polo, short, briefs, medias at sapatos, lahat basa. Ayan, bumalik na ang pansin ko sa mga estuydante, uulan-ulan nanaman kasi.

~ ni matabangmakatangtagamakati sa Hunyo 2, 2009.

Mag-iwan ng Tugon