Eskandalo!
Hindi ko na kailangan pang banggitin ang mga taong sangkot sa scandal na ito dahil kamakailan lang, ito ang talk-of-the-town at talaga namang napakainit ng mga tenga at matang naghihintay ng mga makapagpapabusog na mga balita. Marami ang na-curious dito at naghangad na mapanood ang maseselang tagpo sa nasabing video. Hindi na siguro kayang bilangin ng mga daliri ko sa kamay at paa ang mga kakilala kong nakasaksi o nais makasaksi ng nasabing palabas. Sa diwa ng pagiging tapat na kabahagi ng blog site na ito, nais ko rin ipagtapat na ninais ko rin sanang panoorin ang palabas na iyon, ngunit sa kabutihang palad, may isang nilalang na pumigil sa aking pagnasaan ang masaksihan din ang mga pribadong tagpong iyon, salamat na lamang at may mga taong nagmamahal at ayaw akong mapahamak.
Kani-kanina lamang sa balita, lumutang na ang lalaking napagbubuntunan ng sisi sa pagkalat ng nasabing palabas, siya daw ang may sala ng tuluyang pag-alagwa nito sa internet na siya namang pinagpyestahan ng mga tindera at mamimili sa mga bangketa ng mga de-piratang plaka. Sinabi ng singkit na lalaki na wala siyang nalalaman tungkol sa pagpipista ng mga nilalang sa nasabing palabas, ang tinuturo ngayon ng singkit na lalaki ay ang retokadong nobya ng lalaking nasa palabas na siyang pasimuno sa pagpapalabas sa masa ng nasabing kahalayan. Naki-alam na rin ang Senado, pero sa tingin ko, hindi ito nakatulong sa panig ng babae o mga babaeng nabiktima ng piping camcorder. Wala namang ginawang aksyon ang mga nasa Senado para tuluyan nang maipinid ang mga mata ng lalaking ulo ng eskandalo.
Kung papasukin natin ang pag-iisip ng lalaking bida sa palabas, mahirap rurukin ang puno’t dulo ng kanyang mga nagawa, ngunit ang malinaw dito, may lumason sa kanyang buong pagkatao. Siguro, ang pakiramdam niya’y hari siya pag may mga babaeng sumusunod sa kanyang mga kagustuhan, malamang, ang paniniwala niya eh… napapaikot niya sa mga palad niya ang mga babaeng ito na naging miyembro ng kanyang kahayupan. Kasabay nito, napapasayaw niya rin sa gustong niyang tugtog ang nobyang magaling magpaganda!
Bago ako magwakas, nais kong tawagin ang atensyon ng mga taong may katulad na pantsya sa lalaking bida ng eskandalo, mas maiging itigil niyo na iyan ngayon at baka balang-araw, kayo naman ang maputukan ng nakabinbing batas laban sa mga ma-eskandalong palabas gaya nito. Kung nagbabalak ka naman gawin ito para sa sarili mong pagtangkilik, wag mo nang pangarapin pa, kahit hindi ito makita ng iba, kasalanan pa rin itong maituturing. Sa mga nakapanood ng palabas, problema niyo ngayon kung paano niyo buburahin sa isipan niyo ang mga nasaksihan niyo, ang masasabi ko lang, sana mapaglabanan niyo ang tulak ng demonyo at wag nang gayahin pa ang mga akto ng bida. Sa mga manonood pa lamang, wag niyo nang tangkain at iwasan na lang, baka mamahay pa sa isipan ang nasabing palabas sa inyong mga utak at anayin ang mga kaisipan ninyo.
Ang artikulong ito ay hindi naglalayon na lalo pang pakainin ang mga imahinasyon o lalo pang gutumin ang mga mambabasa sa mga katulad na palabas. Nais ko lang ipabatid na maging mas abala sana tayo sa mga bagay na may kabuluhan. Huwag na sana nating pag-alabin pa ang mga udyok na makakita ng mga ganitong palabas, kontrolin at pigilin ang sarili, diyan masusubok ang tatag ng iyong paniniwala at igi ng iyong isipan. Kung may mga eskandalo kang naka-save sa computer mo, hayaan niyo akong payuhan kita na burahin na ito ng tuluyan at huwag nang balikan pa. Hindi makakatulong ito sa paglago ng pagkatao mo.

tama ka dyan mas maraming bagay na dapat pagkaabalahan at makabuluhan pa…..iyon na lang sana ang pagtuunan ng pansin…